Brigada Eskwela 2023: Pagkakaisa at Pag-aalay ng Serbisyo sa Dagupan City National High School
🖊️Art | Agosto 11, 2023
Dagupan City, Agosto 11, 2023 - Sa layuning palakasin ang komunidad ng paaralan at siguruhing handa ang mga pasilidad para sa pagbabalik-eskwela, isinagawa ang taunang Brigada Eskwela sa Dagupan City National High School (DCNHS). Ipinagdiwang ito sa makulay at masiglang opening program na ginanap sa DCNHS covered court.
Pinangunahan ni Dr. Willy U. Guieb, Principal IV ng paaralan, ang nasabing opening program. Sa kanyang maikling talumpati, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kolektibong pagsusumikap ng mga guro, magulang, at mga estudyante sa pag-aayos ng mga pasilidad at paghahanda sa darating na pasukan. "Sa pamamagitan ng Brigada Eskwela, ipinapakita natin ang ating pagkakaisa at dedikasyon sa edukasyon ng mga kabataan. Ito ay pagkakataon hindi lamang para sa pag-aayos ng mga silid-aralan kundi pati na rin sa pagpapalaganap ng mga magandang halimbawa sa ating mga mag-aaral," aniya.
Tampok sa programa ang pamimigay ng 300 school supplies sa mga incoming Grade 7 at Grade 8 na mga mag-aaral. Ipinakita ng pamunuan ng paaralan ang kanilang malasakit sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gamit na mag-aambag sa kanilang pag-unlad sa pag-aaral na mula naman sa DCNHS Aster Batch 1985 sa pangunguna ni Gng Marlene Mina Teacher III ng Kagawaran ng MAPEH na isa ring alumnus ng paaralan. Nagpahayag ng pasasalamat ang ilang magulang para sa ganitong uri ng tulong na nagpapakita ng suporta at pagkilala sa pangangailangan ng mga estudyante.
Bilang bahagi ng mas pinaigting na Reading Program ng paaralan, isinagawa rin ang Brigada Pagbasa kung saan aktibong nakilahok ang Kagawaran ng Filipino. Sa pangunguna ni Gng. Virginia Dela Rosa, Asst. Principal ng DCNHS Senior High School, ay nagkaroon ng malugod na pagtatanghal ng pagbabasa. Layunin nitong itaguyod ang kultura ng pagbasa sa loob at labas ng paaralan, na nagbibigay daan sa mas malalim na kaalaman at pang-unawa ng mga mag-aaral.
Ang Brigada Eskwela ay hindi lamang isang pagkakataon para sa mga guro, magulang, at mga estudyante na magkaisa sa pag-aayos ng mga pasilidad ng paaralan. Ito ay simbolo rin ng pagsasama-sama ng komunidad tungo sa iisang layunin - ang pagtaguyod ng dekalidad na edukasyon para sa mga kabataan. Sa pamamagitan ng malasakit, pagkakaisa, at pagtutulungan, ang Brigada Eskwela ay nagpapalaganap ng liwanag ng pag-asa sa mas magandang kinabukasan para sa lahat.