DAGUPAN CITY - Isinagawa ngayong Hulyo 24, 2023, sa DCNHS Covered Court ang opisyal na paglulunsad ng National Learning Camp (NLC) sa pangunguna ni Dr. Willy U Guieb, Principal IV ng paaralang ito. Ito ay isang hakbang ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na naka-ayon sa MATATAG: Bansang Makabata, Batang Makabansa agenda, upang palakasin ang learning recovery at continuity program ng kagawaran.
🖊️Art | Hulyo 24 2023
Upang maging mas epektibo ang programa, pinahiram ng tig-iisang tablet ang mga mag-aaral na kanilang gagamitin sa loob ng isang buwang pag-aaral. Sa pamamagitan ng NLC, inaasahang mas mapapalakas ang kaalaman ng mga mag-aaral sa pagbasa, matematika, agham, at teknolohiya.
"Ang National Learning Camp na ito ay isang pagkakataon para sa ating mga mag-aaral na palakasin ang kanilang mga kaalaman at kakayahan sa iba't ibang larangan tulad ng pagbasa, Matematika, at Agham at Teknolohiya. Ito ay isang hakbang sa pagtugon sa mga pagsubok na dala ng pandemyang Covid-19 sa ating edukasyon. Patuloy nating pagtulungan at pagsasama-samahin ang ating pwersa upang maging MATATAG: Bansang Makabata, Batang Makabansa sa larangan ng edukasyon" wika ni G, Guieb.
Bukod sa National Learning Camp, kasama rin sa programa ang National Reading Program, National Mathematics Program, at National Science at Technology Program. Boluntaryo lamang para sa mga mag-aaral at mga guro ang paglahok sa mga gawaing ito, ngunit marami pa rin ang sumali upang lalo pang mapalakas ang kanilang mga kaalaman sa iba't ibang asignatura.
Isa sa mga mahalagang bahagi ng NLC ay ang boluntaryong pagbibigay ng oras at serbisyo ng mga guro. Kasama sa mga guro na nagbigay ng kanilang suporta at pagsisikap ay sina Madam Rosario T. Aquino, Michelle E. Perez, Liezelle M. Duque, G. Adam D. Delos Santos, Gng. Miriam G. Campos, Gng. Jenny L. Arrieta, at G. Jem Lance F. Futalan para sa asignaturang Ingles. Samantala, sina G. Junjun C. Soriano, Gng Jacqueline T. Parayno, G. Edwin S. Delos Santos, Gng. Charisse D. Gacura, G. Niel C. Escosio, at Gng. Susana Q. Mercado naman ang nagbigay ng suporta para sa asignaturang Matematika.
Para sa asignaturang Agham at Teknolohiya, naglaan din ng kanilang oras sina G. Sean Klein Nicolay C. Austria, Gng. Fe S. Padlan, Gng. Alma S. Calpito, Bb. Lilibeth P. Fernandez, Gng. Zosima M. Garcia, Gng. Leslie Lou S. Ferrer, Bb. Mariwen C. Alemios, Gng. Glaiza E. Guttierrez, Gng. Sheryk C. Borja, Gng. Blessie P. Maynigo, Gng. Mary Ann G. Solano, at Gng. Maria Liza Salonga.
Sa tulong ng mga guro at ng Kagawaran ng Edukasyon, naging matagumpay ang paglulunsad ng National Learning Camp sa paaralan na naglalayong tiyakin ang kalidad ng edukasyon sa gitna ng mga hamon na dala ng pandemya. Hinihikayat ang lahat na patuloy na makiisa sa mga programa at proyekto ng DepEd upang masigurong malinang at mas maging matatag ang kinabukasan ng mga kabataan.